Itinutulak ni TGP Party-list Representative Jose “Bong” Teves Jr. na mas maagang ibigay ng Commission on Elections (COMELEC) ang kalahati ng kabuuang honoraria ng mga guro na magsisilbi sa October 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Sa inihain nitong House Resolution 882, tinukoy ng mambabatas na sa mga nakaraang eleksyon ay may mga reklamo o sumbong mula mismo sa mga guro tungkol sa delayed na bayad.
Kaya naman para matapatan ang sakripisyo ng mga teacher, iginiit ng kongresista na nararapat na maagang ibigay ng COMELE ang hindi bababa sa 50% ng honoraria ng bawat guro bago ang araw ng eleksyon.
Tinukoy pa ni Teves na mismong si Vice President at Education Secretary Sara Duterte ay hiniling na sa COMELEC na ibigay ang “advance pay” para sa mga teacher na magdu-duty sa BSK Election.
Ayon sa poll body nasa ₱8,000 hanggang ₱10,000 ang matatanggap na honoraria ng mga guro na magsisilbi sa eleksyon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes