Lumagda sa Memorandum of Agreement ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Layon ng naturang kasunduan na mabigyan ng skills at livelihood training ang mga benepisyaryo ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Pinangunahan nina DHSUD Secretary Rizalino Acuzar at TESDA Deputy Director General Vidal Villanueva ang paglagda sa kasunduan.
Ayon kay Acuzar, mas magiging sustainable ang pambansang pabahay kapag may stable na pinagkakakitaan ang mga benepisyaryo at lalo aniyang dadami ang makikinabang dahil sa pagsulong ng programa.
Sa ilalim ng kasunduan, mangangalap ng datos ang DHSUD sa kung anong skills ang alam ng mga benepisyaryo at kung ano ang nais pa nitong matutunan, para mabigyan ng sapat na training at iba pang technical assistance.
Tiniyak naman ng DHSUD, na akma ang makukuhang training ng mga benepisyaryo upang makapagtrabaho sa mga industriyang malapit sa kanilang pagbabahayan. | ulat ni Diane Lear