Sinabi ngayon ni House Deputy Minority Leader at Act teachers Party-list Representative France Castro, na dapat isaalang-alang ng Globe telecom ang additional fee na kanilang ipapataw sa late payments para sa kanilang mga subscriber.
Ginawa ni Castro ang pahayag kasunod ng advisory ng Globe, na maniningil sila ng karagdagang P50 sa mga postpaid subscriber na mabibigo na bayaran ang kanilag account sa oras, simula December 01.
Ayon sa party-list solon, halos kalahati ng mga pamilyang Pilipino o humigit-kumulang 13.2 milyon na pamilya ang kinukonsidera ang kanilang mga sarili na mahihirap base sa pinakhuling survey ng Social Weather Station.
Diin niya, dagdag pahirap ito sa mga Pilipino kaya naman nanawagan ito sa Senado na madaliin ang kanilang bersyon ng Committee Report 736, na nag-aatas sa telecom companies at internet service providers na i-refund sa kanilang mga subscriber ang service outages and disruptions.
Dagdag pa nito, na hindi ito makatwiran dahil kapag sila ang pumapalpak na madalas na mangyari ay “sorry” lamang ang kapalit, habang mahuli ng konti sa pagbayad ay may multa na agad sa mga Globe user.
Umaasa ang mambabatas, na pakikinggan ng Globe ang panawagan upang hindi na gumaya pa ang ibang telcos na kapag mangyari ay iimbestigahan nila sa Kongreso. | ulat ni Kathleen Forbes