Asahan na ang long weekend para sa mga residente ng San Juan sa susunod na linggo.Ito ay dahil suspendido ang pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod sa Lunes, Marso 27.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, ito ay para bigyang daan ang pagdiriwang ng ika-240 Araw ng San Juan salig sa Republic Act 7669.
Taong 1993 nang ipasa ang nasabing batas, na nagdedeklara sa Marso 27 ng bawat taon bilang isang special non-working holiday sa lungsod.
Sa nasabing araw noong taong 1783 nang itatag ang Munisipalidad ng San Juan del Monte, matapos humiwalay sa Bayan ng San Felipe Neri na ngayon ay kilala bilang Mandaluyong City. | ulat ni Jaymark Dagala