Mula Abril 24 hanggang Oktubre 20, 2023, umabot na sa kabuuang 1,136 bilang ng mga indibidwal at pamilya ang nasagip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Ayon sa DSWD, isinagawa ang pag-rescue sa pamamagitan ng Oplan Pag-Abot Program ng ahensiya.
Nasa 166 sa mga ito ang pinagkalooban ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Nasa 159 naman ang tinulungan para makabalik sa kanilang mga probinsya sa ilalim ngBalik-Probinsya Program (BP2).
Samantala, may 384 na benepisyaryo ang binigyan ng interbensyon mula sa mga Centers and Residential Care Facilities (CRCFs) ng DSWD sa NCR.
Sa tulong ng Oplan Pag-Abot, patuloy ang DSWD sa pagsisikap na matulungan ang mga pamilya at indibidwal na nasa lansangan na makabalik sa kanilang komunidad.
Tinitiyak ng DSWD na mabigyan sila ng interbensyon o tulong at mapigilan ang mga ito sa pagbabalik sa mga lansangan. | ulat ni Rey Ferrer