Nanindigan si House Committee on Ethics Senior Vice-Chair Ria Vergara na hindi minadali ng komite ang pagbababa ng rekomendasyon laban kay Negros Oriental Representative Arnulfo Teves Jr.
Tugon ito sa pahayag ng legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, na sinabing minadali ang pagsuspindi sa mambabatas.
Kinuwestiyon din nito ang pagsuspindi sa ilang committee rules at ang hindi pagbibigay pagkakataon kay Teves na makapagpaliwanag.
Ani Vergara, discretion ng komite na baguhin o suspindihin ang mga panuntunan nito.
Nabigyan din naman aniya ng ilang pagakataon si Teves para magpaliwanag.
Katunayan dalawang beses aniya nila binigyan ng palugit ang kasamahang mambabatas para magpakita at ihayag ang kanyang panig.
“Because March 15 no suspension muna. The simple request was to come home dahil yung kanyang request for a leave of absence nung March 9 for extension to April 7 was denied by the Secretary General dahil…walang specific destination. We were hoping na by March 20 uuwi na si Cong. Arnie Teves pero hindi rin siya dumating. So the committee then extend pa, another day, 24 hours and sadly hindi rin siya nakauwi.” paliwanag ni Vergara
Dagdag pa ni Vergara, bago pa dininig ng komite ang isyu ay nakailang panawagan na si Speaker Martin Romualdez para sa pag uwi ni Teves.
Katunayan, umaga bago maiakyat sa plenaryo ang rekomendasyon kay Teves, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang humimok kay Teves na umuwi ito.
“…bago pa ito dumating sa aming committee, may panawagan na talaga si Speaker Martin Romualdez, for him to come home. And I think it was yesterday (March 22) also, even President Marcos (Jr.) was asking him na Cong. Arnie Teves please come home para naman we can resolve this in your presence. The longer you stay out of the country the more difficult you put yourself in this position. So yung urgency I believe is for the sake of Cong. Arnie Teves more than anything. Because, if he has no hand in this crime then there’s no reason for him not to come home.” paliwanag ng kongresista. | ulat ni Kathleen Forbes