Inaasahang darating sa Pilipinas ang ika-anim na batch ng mga overseas Filipino worker (OFW) na naipit sa gulo sa Israel, ngayong hapon.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), nakatakdang lumapag sa NAIA Terminal 3 mamayang alas-3:15 ng hapon ang Etihad Airways Flight EY 425 lulan ang 42 OFWs at isang sanggol.
Sa kabuuan, nasa 184 OFWs na ang mapapauwi sa bansa mula sa Israel sa pagdating ng dalawang batch ng mga OFW ngayong linggo.
Inaasahan naman ng DMW, na madaragdagan pa ang bilang na ito dahil sa nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israel Defense Forces (IDF) at ng militanteng grupong Hamas.
Tiniyak naman ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration, at iba pang ahensya ng pamahalaan ang tulong para sa mga uuwing OFW. | ulat ni Diane Lear