Masisimulan na ang konstruksyon ng malaking proyektong pang-irigasyon na Bayabas Rockfill Dam project sa lalawigan ng Bulacan.
Kasunod ito ng paglagda ng National Irrigation Administration (NIA) ng kasunduan sa pagitan ng Fedstar Builders Contractors/China International Water and Electric Corp.
Pinangunahan mismo ni NIA Acting Administrator Engr. Eduardo Eddie Guillen ang paglagda sa kasunduan kasama ang mga kinatawan ng consortium at pati na ng mga miyembro ng Malapad na Bato Irrigators Association, Inc. (Bayabas IA and Bulacan-Amris Federation of Irrigators Association Inc., na siyang Farmer Beneficiaries ng proyekto.
Ayon sa NIA, maituturing na mahalagang irrigation infrastructure project ang Bayabas SRIP sa Central Luzon dahil masasakop ng proyekto ang nasa 17 munisipalidad ng Bulacan at apat pang bayan sa Pampanga.
Inaasahang makakabenepisyo ito sa tinatayang 20,000 mga magsasaka sa rehiyon.
Bukod sa benepisyo nito sa irigasyon, inaasahan din ng NIA na matutugunan ng proyekto ang iba pang hamon na kinahaharap sa rehiyon kabilang ang mga pagbaha.
Nagkakahalaga ang proyekto ng ₱1.9-billion na popondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) mula taong 2022 hanggang 2027. | ulat ni Merry Ann Bastasa