Inaasahang darating sa Pilipinas mamayang gabi ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) na inilikas mula sa Lebanon.
Ito na ang ikatlong batch ng mga OFW na umuwi sa bansa mula sa Lebanon dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng Israel military forces at Hezbollah, na isang militanteng grupo sa Lebanon na nakikisimpatya sa Hamas.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), inaasahang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang Qatar Airways flight QR928 mamayang 10:10 PM, lulan ang siyam na OFWs.
Sasalubungin ito ng ilang senior officials ng pamahalaan sa pangunguna ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac para maibigay ang mga tulong ng pamahalaan.
Sa kabuuan, nasa 19 na OFWs na ang umuwi sa bansa mula sa Lebanon. | ulat ni Diane Lear