Naglabas ng pahayag si Senator Imee Marcos kaugnay ng nangyayaring iringan at pagkakaroon ng isyu ng destabilisasyon sa Kamara, kung saan nabanggit pa ang pangalan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Sen. Imee, sa gitna ng paggunita ngayong araw ng ika-10 anibersaryo ng pananalasa ng bagyong Yolanda, maituturing aniyang kabastusan ang pinagkakaabalahan ng mga pulitikong ginutay-gutay ang bansa at ginagamit ang isyu para magpapogi at magpalapad ng papel.
Kasabay nito ay nanindigan si Marcos na nananatiling buo ang kanyang suporta para kay dating Pangulong Duterte.
Taong 2015 pa aniya nang magdeklara siya ng suporta sa dating Pangulo, dahil nakikita niya dito ang kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Hindi aniya siya tatahimik sa mga pagtataksil at pambabastos sa taong nagbigay-galang sa kanyang ama noong pahintulutan nitong ilibing si dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Giit ng senator, kaibigan niya si dating Pangulong Duterte lalo na aniya ang anak nitong si Vice President Sara Duterte. | ulat ni Nimfa Asuncion