Tinututukan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagpapaabot ng tulong sa mga pamilya at indibidwal na naninirahan sa mga kalsada, lalo na ngayong nalalapit na ang Pasko.
“Itong ‘Oplan Pag-Abot’ ay ating bagong programa na ating ginagawa para tulungan ang ating mga kababayan na naninirahan sa kalye – iyong mga… kumbaga homeless natin na mga kababayan, iyong mga namamalimos po sa ating lansangan dito sa Metro Manila – ang tawag po namin diyan, mga “Families and Individuals in Street Situations”.” — Usec. Punay
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DSWD Undersecretary Edu Punay, na sa nakalipas na anim na buwan nasa 1,136 na indibdwal na ang naisailalim ng tanggapan sa profiling.
Nasa 626 na indibidwal naman ang naialis na sa mga kalsada.
Ayon sa opisyal, maraming tulong na ibinibigay ang pamahalaan sa mga ito tulad ng financial assistance, medical, at transportation assistance.
Nakabalik na aniya ang mga ito sa kanilang probinsya sa ilalim ng Balik Probinsya Program.
“Binibigyan sila ng pamasahe pauwi ng kanilang probinsiya, kina-capacitate sila para magsimula ng buhay doon ulit; binibigyan sila ng puhunan, kasamang Niña ‘no, up to P50,000 na puhunan iyan, P50,000 peso cash; at i-endorse natin sa local government units para sila’y i-train kung paano magtrabaho at magsimula ng negosyo at para rin i-monitor sila na maigi, binibigyan din natin sila ng mga assistance sa food, medical under our Assistance to Individuals in Crisis Situations Program; ganoon din sa ating sustainable livelihood program.” —Usec Punay. | ulat ni Racquel Bayan