Isinasapinal na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang magiging desisyon nito kaugnay sa inihaing petisyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ito’y para payagan ng ERC ang NGCP na hirit na mahigit ₱387-bilyong pisong revenue na idaraan sa tinawatag na pass-on charges sa mga konsyumer o gumagamit ng kuryente.
Nangangahulugan ito ng dagdag singilin sa mga konsyumer, dahil dito kukunin ng NGCP ang gastusin para sa kanilang kabuuang operasyon.
Pero batay sa inilabas na partial review ng ERC, mula sa mahigit ₱387-bilyong piso ay aabot lamang sa mahigit ₱184-bilyong piso ang inaprubahang revenue para sa NGCP.
Hindi kasi pinayagan ng ERC na ipasa sa mga konsyumer ang advertising expenses, COVID donations, at bonuses ng mga empleyado ng NGCP.
Ayon kay ERC Chairperson Monalisa Dimalanta, pinaplantsa na nila ang allowable revenues at ang nirepasong rate reset ng NGCP na inaasahan namang matatapos sa taong ito. | ulat ni Jaymark Dagala