Nababahala si Senador Chiz Escudero na maaaring abutin ng 80 taon bago tuluyang maresolba ang problema sa Military and Uniformed Personnel (MUP) pension system.
Sa plenary deliberations ng Senado sa panukalang 2024 National Budget, tinanong ni Escudero ang economic team kung ano na ang pinal nilang desisyon kaugnay sa kontribusyon ng mga uniformed personnel.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara, sa pinal na rekomendasyon ng economic team ay tanging mga bagong entrants lamang ang hihingan ng mandatory contribution.
Sinabi naman ni Escudero na kung ganito ang ipatutupad ay marahil aabutin pa ng 80 years bago tuluyang maging independent ang funding ng MUP pension kung saan wala nang ilalaang pondo para dito mula sa national budget.
Hiniling naman ng senador sa economic team na magsumite ng kanilang computation kaugnay sa bago nilang rekomendasyon sa MUP pension system. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion