Dumulog na ang Department of Agriculture (DA) sa tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin para hilinging maipaubaya sa kanila ang pamamahala ng bakuna sa livestock kabilang dito ang bakuna kontra Bird Flu at African Swine Fever (ASF).
Sa kasalukuyan kasi, Food and Drug Administration (FDA) ang pangunahing namamahala at nag-aapruba sa bakuna.
Sa ipinadalang position paper ni DA Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano noong Oktubre, ipinunto nitong nagkakaroon ng kalituhan sa Bureau of Animal Industry (BAI) at ng Food and Drug Administration pagdating sa regulatory functions sa veterinary products.
Nakasaad pa rito na ang agarang pagresolba sa isyu ay makatutulong para agarang matutukan ang mga sakit na African Swine Flu at Bird Flu na nakakaapekto sa livestock industry sa bansa.
Sa oras namang pahintulutan ang DA na akuin na ang pamamahala ng bakuna, agad umano itong kikilos para mapabilis ang proseso ng pagpasok ng tamang bakuna at magamit ito sa tamang paraan. | ulat ni Merry Ann Bastasa