Positibo ang naging takbo ng ekonomiya ng bansa sa ikatlong quarter ng taon ayon iyan sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Iniulat ni PSA Undersecretary at National Statistician Dennis S. Mapa na lumago sa
5.9% ang Gross Domestic Product (GDP) sa bansa nitong 3rd quarter.
Mas mataas ito mula sa 4.3% noong ikalawang quarter bagamat mas mababa mula sa 7.7% na naitala sa kaparehong quarter noong nakalipas na taon.
Naitala naman sa 12.1% ang Gross National Income habang tumaas sa 112.5% ang net primary income.
Kasama sa nakaambag sa paglago ng economic performance ang services sector na nasa 6.8% at sektor ng industriya ay nasa 5.5%.
Sa 16 na sektor naman ng GDP, ang accommodation and food service activities ang nagtala ng pinakamataaas na paglago na 20% sa ikatlong quarter ng 2023.
Habang sa expenditure side naman, ang household final consumption ang may malaking kontribusyon sa pagtaas ng GDP na nag-ambag ng 3.7%.
Ayon naman kay National Economic Development Authority Secretary Arsenio Balisacan, maituturing na “improvement” ang paglago ng ekonomiya ngayon kumpara noong nakaraang quarter.
Pinakamabilis rin aniya ang paglago ng bansa sa ikatlong quarter sa emerging economies sa Asya gaya ng Vietnam at Indonesia.
Dahil dito, nasa 5.5% na ang average growth ng ekonomiya mula Enero hanggang Setyembre.
Kinakailangan aniyang lumago ang bansa ng 7.2% sa huling quarter para maabot ang 6-7% na GDP target para sa taong 2023
Kasunod nito, tiniyak naman ng kalihim na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagpapaigting ng mga hakbang para matugunan ang posibleng epekto ng El Niño lalo sa mga susunod na buwan.
Patuloy ding tututukan ang suporta sa agriculture sector at pagbalanse sa inflation. | ulat ni Merry Ann Bastasa