Tinapos na ng Senado ang deliberasyon at debate sa plenaryo ng panukalang P10.6 bilyong pondo ng Office of the President at P812 milyon na panukalang pondo ng Presidential Management Staff para sa susunod na taon.
Sa interpellation ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, sinabi nitong wala siyang isyu sa pagbibigay ng confidential funds sa OP pero may katanungan siya sa pagbibigay ng P2.3 billion intelligence funds sa opisina ng Pangulo.
Ipinunto ni Pimentel na kung susundin ang batas, ang intel funds ay para lamang sa mga intelligence gathering ng mga uniformed at military personnel gayundin sa mga practitioner na may epekto sa national security.
Paliwanag naman ni Senate Committee on Finance Chair Sonny Angara, bilang Commander in Chief ay kailangan ng Pangulo ng intel fund dahil marami itong mahahalagang desisyon na kailangang gawin kaugnay ng national security ng Pilipinas.
Samantala, pinuri naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang report na isinumite ng OP patungkol sa naging paggamit nito ng CIF.
Minamandato kasi na magsumite ang mga ahensya ng gobyerno ng report sa Senate President at sa Speaker ng House of Representatives ng report tungkol sa naging paggamit nito ng CIF na ibinigay sa kanila.
Ayon kay Zubiri, ang report na isinumite ng OP ang pinaka-detalyado at komprehensibo na nakita niya.
Kumpara aniya sa ibang mga ahensya na lilimang pahina lang ang report, ang sa OP aniya ay umabot ng dalawang libro.
Sinabi ni Zubiri na nakapaloob sa report na ito kung saan napunta at paanong ginastos ang CIF na natanggap ng OP at ang mas mainam pa aniya ay may kinalabasan ang mga hakbang na ginawa. | ulat ni Nimfa Asuncion