Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko partikular ang mga may reklamo hinggil sa flying voters.
Ayon kay Comelec Director Nick Mendros, may tamang hakbang at sapat na panuntunan ang Comelec para labanan ang mga flying voter.
Paliwanag ng opisyal, sa registration period pa lamang ay dapat nakabantay na ang publiko sa mga magpaparehistro, para malaman kung sino-sino ang hindi nakatira sa kanilang barangay.
Maaari din aniyang humingi ng listahan ng mga botante sa Comelec Local Office, para maberipika ng mga ito kung sino-sino ang mga botante sa bawat barangay.
Matapos nito ay tsaka maaaring mag-file ng reklamo sa local Comelec nang sa gayun ay maisama ito sa quarterly hearing na ginagawa ng election registration board.
Dito ay kailangang mapatunayan kung lehitimo bang residente ng isang lugar ang isang nagparehistro o hindi.
Ito ayon kay Mendros ang tamang paraan para malabanan ang paghahakot ng ilang mga kandidato ng botante na hindi naman residente ng kanilang nasasakupan.
Kaya ang mga nagrereklamo na maraming flying voters sa kanilang lugar sa panahon na ng halalan ay masyado nang huli dahil rehistrado na ang mga ito. | ulat ni Lorenz Tanjoco