Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas na ngayon ang apat na mga Pilipino na nasugatan matapos tamaan ng Russian missile ang isang civilian ship na papasok sana ng pantalan sa Black Sea region ng Odesa, Ukraine.
Ayon kay DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, nasa bridge ng barko ang apat na crew nang tumama ang missile.
Mabuti na nga lang aniya at medyo malayo ang mga ito sa mismong tinamaan ng missile at nagtamo lang ng minor injuries at ngayon ay ligtas na sa kapahamakan.
Kasalukuyan namang nagpapagaling ang kapitan, seaman, at deck cadet sa barko, habang ang engine trainee na nagtamo ng bali sa kaliwang kamay ay ginagamot na sa ospital.
Sinabi ni Cacdac na nakipag-usap na rin sila sa manning agency ng mga marinong Pilipino at may-ari ng barko na ibigay ang mga kinakailangan tulong sa mga sugatang crew.
Sa ngayon, tinitingnan pa ng DMW kung maaaring i-repatriate ang apat na Pilipino habang sila ay nagpapagaling at nakipag-ugnayan na rin sa kanilang mga pamilya at employer tungkol sa kondisyon ng mga ito. | ulat ni Diane Lear