Ibinalik ng National Grid Corporation of the Philippines sa Energy Regulatory Commission ang sisi matapos kwestyunin ang kanilang mga gastusin.
Nauna rito ay sinabi na ng ERC na hindi maaaring bawiin ng NGCP sa mga konsyumer ang kanilang mga gastusin sa corporate social responsibility at mga donasyon.
Kabilang na rito ang mga gastos sa advertisement, labis umanong pasweldo, bonus at iba pa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni NGCP Assistant Vice President Cynthia Alabanza na hindi patas ang desisyon ng ERC at pagkwestyon sa kanilang gastusin.
Aniya, ang ERC ang dapat sisihin dahil sa pagkukulang na magsagawa ng regulatory reset na dapat ay ginagawa kada limang taon.
Binigyan diin ni Alabanza na risonable ang mga ginagastos nila pati sa pasweldo sa kanilang mga tauhan partikular sa mga engineer.
Inamin naman ni Alabanza na nasa p70,000 ang average na pasweldo nila sa kanilang mga tauhan pero hindi ito maituturing na labis lalo pa kung husay at galing ang kapalit.
Sinabi ni Alabanza na nakahanda silang sumagot sa ERC dahil marami pang isyu rito ang hindi nareresolba.
Tinawag pa ni Alabanza na hilaw ang mga banat sa NGCP dahil maraming factors pa ang hindi napag-uusapan upang higit silang maunawaan ng publiko. | ulat ni Diane Lear