Pinayuhan ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya ng gobyerno na huwag nang pansinin at bigyang halaga ang mga alegasyon ng pagkakaroon ng umano’y destablilization plot laban sa pamahalaan kung wala naman itong katotohanan.
Sa Budget deliberation ng panukalang 2024 Budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kung saan nakapaloob ang budget ng PNP, sinabi ni Zubiri na mas mainam na huwag na lang pag-usapan ang isyu kung haka-haka lang at wala namang totoong basehan dahil maaaring matakot lang ang mga posibleng investors sa Pilipinas.
Una dito, hiningi ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pahayag ng PNP tungkol sa umuugong umanong destabilization plot.
Sagot ni Senador Sonny Angara, sponsor ng panukalang pondo ng DILG at PNP, walang namo-monitor na ganitong plano ang Kapulisan at walang dahilan para magkaroon ng pag-aaklas laban sa pamahalaan.
Samantala, pinagpaliban na muna ng mga senador ang pagkonsidera sa panukalang pondo ng PNP at nakatakdang ibalik sa Budget deliberations ang kanilang panukalang pondo sa mga susunod na araw.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ito ay para mas mapag-aralan pa ng PNP ang kanilang panukalang pondo.
Habang ang budget naman ng DILG at iba pang attached agencies nito ay nakalusot na sa plenaryo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion