Mariing kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang huling insidente ng pang-haharass ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa resupply mission patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kaninang umaga.
Sa ulat ng NTF-WPS, nangyari ang insidente kaninang 7:30 ng umaga nang gumamit ng water cannon ang Chinese Coast Guard Vessel 5203 laban sa Philippine resupply vessel M/L Kalayaan sa bigong pagtatangka na ilihis ang direksyon nito.
Bukod dito, nagsagawa rin mga peligrosong pag-maniobra ang Rigid Hull inflatable boats (RHIB) ng CCG sa loob ng lagoon ng Ayungin Shoal para pigilan ang M/L Kalayaan at Unaiza May 1 na makarating sa BRP Sierra Madre.
Sa kabila nito, matagumpay na naisagawa ng dalawang resupply boat ang kanilang misyon.
Ayon sa NTF-WPS, ang sistematiko at walang-tigil na iligal at peligrosong kilos ng People’s Republic of China sa West Philippine Sea, ay nagpapahiwatig na kaduda-duda ang kanilang sinseridad sa panawagang magkaroon ng mapayapang pag-uusap ukol sa isyu. | ulat ni Leo Sarne