Nagbigay pugay si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson sa mga Pilipinong Beterano sa paggunita ng US Veterans Day sa Manila American Cemetery sa Fort Bonifacio, Taguig ngayong umaga.
Sa kanyang mensahe, partikular na tinukoy ng ambassador ang kontribusyon ng 107-taong Filipino World War II veteran na si Mr. Valentine Untalan, na miyembro ng Philippine Scouts noong 1941.
Ayon sa ambassador, ang sakripisyo ni Untalan at ng 6,000 Philippine Scouts na nasawi sa pakikipaglaban sa Japanese invasion sa Pilipinas, ang dahilan ng pagkakaligtas ng Australia at New Zealand sa pananakop ng mga Hapon.
Ang naturang mga bansa aniya ang nagsisilbing “staging point” para sa pagbabalik ni Gen. Douglas McArthur sa Pilipinas, na ultimong humantong sa pagpapalayas ng mga mananakop na Hapones sa bansa.
Ayon kay Amb. Carlson, ito ay matibay na ehemplo ng malalim na koneksyon ng Pilipinas at Estados Unidos bilang “Friends, Partners and Allies”.
Ibinida rin ng ambassador na ang US Embassy sa Manila ang tanging embahada ng Amerika sa buong mundo na may US Veterans Affairs Office, na kasalukuyang nagbibigay ng healthcare sa 6,500 beterano, at benepisyo sa mahigit 11,000 beterano at kanilang benipisyaryo. | ulat ni Leo Sarne