Hinimok ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. ang local government units na pagtuunan ang kalusugan at nutrisyon ng kabataan ngayong ginugunita ang National Children’s Month.
Kasabay nito, inimbitahan din ni Abalos ang Council for the Welfare of Children na makipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government sa pagtugon sa matagal ng problema sa child beggars sa mga lansangan lalo na ngayong Christmas Season.
Sa inilabas na DILG Memo Circular 2023-152, pinakiusapan ni Abalos ang mga provincial, city, municipal at barangay LGUs na pangunahan ang ibat ibang aktibidad na naaayon sa isang buwang selebrasyon ng National Childrens Month.
Samantala,hinihikayat din ng kalihim ang mga kabataan na maging aktibong katuwang sa Buhay ay Ingatan, Droga Ayawan (BIDA) holistic advocacy campaign.
Bilang tugon, nanawagan si Regional Sub-Committee for the Welfare of Children CALABARZON youth leader Jean Claude Magdaong sa mga kapwa niya youth leaders na makiisa sa kampanya ng DILG laban sa iligal na droga. | ulat ni Rey Ferrer