Itinama ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang maling balita na siya umano’y nagtapos sa University of Santo Tomas (UST).
Sa isang pahayag, nilinaw ng kalihim na hindi totoong UST graduate ito dahil huminto siya sa pag-aaral sa edad na 19 nang siya ay maging ama.
“Lilinawin ko po na hindi totoo ang balita na nagsasabing ako ay graduate ng University of Santo Tomas, o ng alin mang paaralan. Mali po ang balitang iyan na marahil ay nakuha lamang sa online sources,” ani Laurel.
Ayon sa kalihim, sa murang edad ay kinailangan na nitong maghanapbuhay dahil pinili nitong unahin ang responsibilidad bilang ama at itaguyod ang pamilya.
Bagamat nais niya umanong makatapos ng pag-aaral, sinabi ng kalihim na hindi siya nagkaroon ng pagkakataon dahil sa trabaho at obligasyon sa pamilya.
Sa halip, pinagsikapan na lamang aniya nitong palaguin ang kanyang dating negosyo na Frabelle na nagsimula sa pangingisda at ngayon ay isa nang malaking kumpanya na merong negosyo sa power generation, real estate development, meat at seafood processing, cold chain network, aquaculture, at ship building at repair.
Nag-divest na si Laurel mula sa mga negosyo nang siya ay italaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang kalihim ng Agrikultura.
“Tulad ng marami, pinangarap ko ring makapagsuot ng toga at makatanggap ng diploma. Ngunit hindi iyon ang aking palad. Sa halip, dagat ang aking naging paaralan, karanasan sa buhay ang nagturo na ako’y magsumikap, mga anak ko ang nagbigay ng lakas ng loob at inspirasyon para marating ko ang aking kinalalagyan, at mula sa Diyos ang anumang biyayang tinatamasa ko ngayon,” diin ni Laurel. | ulat ni Merry Ann Bastasa