Nakaalis na sa tinutuluyan niyang hotel sa Cubao, Quezon City si dating Senador Leila de Lima para magtungo sa Minor Basilica of Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag sa Pangasinan.
Bandang alas-7 ng umaga nang umalis ang kampo ni De Lima sa Cubao patungong Pangasinan.
Hindi na ito nagpaunlak pa ng anumang panayam sa media.
Sa impormasyon naman mula sa kampo ni De Lima, saglit na magmimisa at makikipagkita sa parish priest ang dating senador.
Matagal na kasi aniya itong deboto ng Our Lady of the Most Holy Rosary of Manaoag at araw-araw na nagdadasal dito kahit noong nakapiit pa.
Matapos ang biyahe sa Pangasinan, balik Maynila rin ang dating mambabatas para sa ilang personal na meetings.
Kinumpirma naman ng kampo nito na tuloy ang plano ng dating senador na magtungong Bicol para dalawin ang kaniyang ina na apat na taon na niyang hindi nakikita.
Matatandaang pansamantalang nakalaya si dating Senador De Lima matapos pahintulutang makapagpiyansa ng ₱300,000 ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 sa kanyang natitirang kaso na may kaugnayan sa iligal na droga. | ulat ni Merry Ann Bastasa