Masaya ang ilang tsuper ng jeepney sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong City dahil sa malakihang rollback na ipinatupad ng mga kumpaniya ng langis sa kanilang mga produkto.
Ayon sa ilang mga nakausap na tsuper ng Radyo Pilipinas, dito nakasalalay kung magiging “Merry” nga ba ang kanilang Pasko lalo na’t wala naman silang aasahang 13th Month Pay at Bonus sa pamamasada.
Anila, malaking ginhawa para sa pamamasada ang ipinatupad na rollback dahil gaganahan na sila sa pamamasada at magreresulta naman ito ng dagdag kita.
Umaasa silang magtutuloy-tuloy ito upang may maipon silang panghanda sa Pasko.
Nabatid na ₱3 ang ipinatupad na rollback sa kada litro ng Diesel, ₱0.70 sentimos naman sa Gasolina, habang ₱2.30 naman ang rollback sa kada litro ng Kerosene.
Ito ang ikatlong sunod na linggo na may rollback sa Diesel at ikalawang linggong sunod na rollback para sa Gasolina. | ulat ni Jaymark Dagala