Dagdag na pondo para sa DMW, igigiit ng mga senador

Facebook
Twitter
LinkedIn

Isinusulong ng mga senador na maibalik ang natapyas na pondo sa panukalang 2024 budget ng Department of Migrant Workers (DMW).

Sa ilalim kasi ng 2024 National Expenditure Program (NEP) na mula sa ehekutibo, pinaglaanan ng P15.3 bilyon ang DMW pero nabawasan ito at naging P12.75 bilyon na lang sa inaprubahang 2024 General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara.

Sa bersyon ng Senate Committee on Finance ng proposed 2024 budget, binalik ang isang bilyong pisong tinapyas ng Kamara.

Gayunpaman, Iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi sapat ang isang bilyong pisong pondo na binalik ng senate panel para sa pangangailangan ng ahensya.

Sinabi ng sponsor ng DMW budget na si Senador JV Ejercito na kabilang sa mga proyektong maaapektuhan ng pagbaba ng pondo ng ahensya ang pagpapalawak at pagpapabuti ng Migrant Workers Office (MWO); pagbibigay ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga distressed OFW at kanilang mga pamilya; pag-empleyo ng dagdag na tauhan; repatriation; cancer assistance at iba pang tulong sa mga OFW; pagtatatag ng migrant workers welfare services bureau; at iba pa.

Ipinunto naman ni Senate Committee on Migrant Workers Chairperson Raffy Tulfo na mas kinakailangan ng DMW ang dagdag na pondo ngayon para matulungan ang mga OFW na naipit sa krisis sa Israel at Palestine at sa mga kalapit pa nitong mga bansa.

Ipinunto ng senador maliban sa inisyal na suportang ibinibigay ng DMW at OWWA sa mga repatriated OFW ay kailangan pa rin ng mga ito ng patuloy na suporta bilang nawalan sila ng trabaho. | ulat ni Nimfa Asuncion

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us