Naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang mas mataas na antas ng produksyon sa sektor ng livestock at fisheries para sa ikatlong quarter ng 2023.
Sa datos ng PSA, umabot sa 558.15 thousand metriko tonelada ang kabuuang volume ng livestock production mula Hulyo hanggang nitong Setyembre na mas mataas ng 2.3% kumpara sa 545.73 thousand metriko tonelada noong nakaraang taon.
Kabilang sa nakaambag sa mas mataas na produksyon sa sektor ang hog production tumaas ng 3.3%.
Nagtala rin ng 2.9% na paglago ang poultry production kumpara noong nakaraang taon.
Habang sa fisheries sector, umabot sa 1,017.50 thousand metriko tonelada ang naiulat sa ikatlong quarter ng 2023.
Katumbas rin ito ng 2.1% na paglago kumpara sa naging output sa sektor sa kaparehong quarter ng 2022. Ito ay dahil naman sa annual increments sa seaweed (14.0%), big-eyed scad (matangbaka, 32.8%), roundscad (galunggong, 17.2%), yellowfin tuna (tambakol/bariles, 28.5%), at indian mackerel (alumahan, 60.6%).
Samantala, bahagya namang bumaba ng 3.1% ang volume ng crops production nitong ikatlong quarter dahil sa epekto sa pananim ng mga nagdaang bagyo partikular sa sugarcane (-26.4%), coconut (-1.9%), rubber, cuplump (-12.7%), at cassava (-3.0%). | ulat ni Merry Ann Bastasa