Naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Malabon ng programang tulong-pinansyal para sa mga pasyenteng may reproductive health concerns at disorders.
Ito ay sa pangunguna ng City Health Department kung saan target ang mga pasyenteng may Reproductive Tract Infections (RTIs), HIV, AIDS at iba pang Sexually Transmittable Infections (STI), breast malignancies, at mga gynecological illnesses at disorders para sa mga babae at lalaki.
Sa ilalim ng programa, makakatanggap ang bawat benepisyaryo ng ₱10,000 financial aid.
Kinakailangan lamang na magsumite ng mga dokumento kabilang ang valid ID, Certificate of Barangay Indigency at Medical Abstract para maka-avail sa programa.
Maaaring magpasa ng requirements hanggang November 17, 2023 sa opisina ng City Health Department na matatagpuan sa 8th floor, Malabon City Hall.
Kaugnay nito, nilinaw ng LGU na ang programa ay bukas lamang para sa mga hindi pa nakakuha ng tulong pinansyal noong nakaraang Abril. | ulat ni Merry Ann Bastasa