Pinag-isa ng House Committee on Civil Service ang apat na panukala na layong gawing libre para sa mga indigent ang pagkuha ng Licensure Exams.
Sakop nito ang mga Licensure Exams sa ilalim ng Professional Regulatory Commission (PRC), Civil Service Exams ng Civil Service Commission, at maging ang Bar Exams ng Supreme Court.
Sa paraang ito, mapapalawig ang tulong sa isang mag-aaral hindi lamang sa pamamagitan ng scholarship.
Suportado ng DSWD ang naturang panukala.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, mas makaka-focus na ngayon ang mahihirap na mag-aaral na maipasa ang pagsusulit imbes na alalahanin kung paano makakabayad.
Bagamat suportado ang panukala, iginiit naman ni Supreme Court Administrator Raul Villanueva na mayroong otonomiya ang Korte Suprema na maglatag ng sariling polisiya.
Aminado naman ang Civil Service Commission, na maaaring magkaroon ng epekto sa kanilang koleksyon oras na maisabatas ang libreng pagsusulit
Sa kasalukuyan nasa ₱450 hanggang ₱1,050 ang exam fee na sinisingil ng PRC depende sa propesyon.
Ang CSC naman ay may ₱500 fee para sa professional at sub-professional career service examination.
Habang ngayong taon, nasa ₱12,800 ang Bar application fee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes