Isang panukala ang inihain ni San Jose Del Monte Bulacan Representative Florida Robes upang matulungan ang mga benepisyaryo ng pabahay projects ng gobyerno, na bigong mabayaran ang kanilang buwanang amortization o association dues na nauuwi sa pagbebenta o pagpapaupa ng naturang mga unit.
Sa kaniyang House Bill 1925 o National Housing Authority (NHA) Amnesty and Acquisitions Act of 2023, bibigyang otorisasyon ang National Housing Authority na magbigay ng amnestiya o condonation sa hindi nabayarang amortization o lease payments ng benepisyaryo.
Maaari rin na i-acquire nito ang unit mula sa orihinal na may ari, at i-award naman sa ibang kwalipikadong benepisyaryo sa pamamagitan ng Build Better and More (BBM) at Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing Program.
Umaasa si Robes na sa pamamagitan nito ay mapanatili sa mga benepisyaryo ang kanilang tinanggap na bahay mula sa gobyerno.
Sakop nito ang lahat ng proyekto ng NHA gaya ng house and lot, medium-rise buildings, at condominiums kabilang ang pagpapaunlad at karapatan sa delinquent account.
Binibigyang mandato rin ang NHA na bumuo ng panuntunan para sa pagpapatupad ng amnesty/condonation o cancellation, acquisition, at awarding ng unit.
Pinabubuo rin ng isang Inventory and Verification para sa lahat ng NHA housing/units bago maipatupad ang amnesty program. | ulat ni Kathleen Forbes