Nagpaalala na naman ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino na nais mangibang bansa na iwasan ang pagtangkilik sa alok ng mga recruiter na nakilala lamang online partikular sa Facebook.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na kadalasang nabibiktima sa modus ng mga human trafficker ay ang mga first-time migrants na hindi pa marunong sa proseso ng pag-a-apply sa ibayong dagat.
Dahil dito pinayuhan ni Tansingco ang mga gustong mag-abroad na magtungo muna sa Department of Migrant Workers (DMW) para sa kanilang Overseas Employment Certificate (OEC).
Iginiit ni Tansingco na ang mabusising proseso ng mga papaalis na Pilipino sa bansa para magtrabaho abroad ay para masiguro ang kanilang kaligtasan pag-alis ng bansa.
Una rito, naharang ng mga agent ng immigration bureau sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang papaalis na pasaherong Pilipino na tutulak sa Malta na nagpresenta ng pekeng pre-departure certificate.
Nang isalang sa secondary inspection, lumalabas na ang pasahero ay magtatrabahong live-in caregiver sa Malta at hawak ang mga dokumento kabilang na ang Commission on Filipinos Overseas-Guidance and Counselling Program (CFO-GCP), ang certificate na ibinigay sa kanya ng Maltese employer.
Ang CFO-GCP ay kailangan para sa pre-departure seminar na isasagawa para sa mga first-time Filipino migrants na may partner na Pilipino at iba pang foreign nationals na planong mag-migrate sa ibayong dagat.
Kalaunan ay inamin din umano ng pasahero na nakuha niya ang mga pekeng dokumento sa isang indibidwal na nakilala sa internet.
Inamin din niyang hindi siya personal na mag-a-apply ng CFO-GDP at gustong takasan ang mandatory counseling session. | ulat ni AJ Ignacio