Binawasan ng Senate Committee on Finance ang panukalang 2024 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa plenary deliberation ng Senado sa panukalang 2024 budget ng DSWD, pinunto ng nagdepensa sa budget ng ahensya na si Senadora Imee Marcos na tinapyasan ng P714 million ng senate panel ang halaga ng panukalang pondo na inaprubahan ng Kamara.
Sa ilalim ng panukalang budget na mula sa ehekutibo, nasa P209.7 billion ang inilaang pondo sa DSWD, itinaas naman ito ng Kamara sa P245.13 billion sa ilalim ng isinumite nilang General Appropriations Bill (GAB) sa Senado.
Habang ang senate panel naman ay ibinaba ito sa P244.4 billion.
Ayon kay Senadora Imee, ang binawas na pondo ay para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at sa Sustainable Livelihood Program (SLP).
May mga hakbang na aniyang pinapatupad ang ahensya para mapabilis ang proseso ng mga proyektong ito. | ulat ni Nimfa Asuncion