Ipinapanukala ni Las Pinas Representative Camille Villa na ilibre ang freight service para sa mga relief organization na nagdadala ng emergency goods at donasyon sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity.
Aniya, ang hakbang na ito ay maituturing na isang humanitarian act.
Paraan na rin aniya ito ng pagtulong ng mga freight company at carriers sa mga komunidad na apektado ng trahedya o kalamidad.
“Sa panahon ng kalamidad, mahalagang magtulungan ang pamahalaan at ang pribadong sektor sa pagsisiguro na mabilis at agarang makararating ang relief goods at donasyon para matulungan ang mga pamilyang nasalanta ng anumang disaster, maging ito man ay bagyo, lindol, baha o pagsabog ng bulkan,” sabi ni Villar.
Sa kaniyang House Bill 9345 o Free Transportation of Relief Goods Act, aatasan ang Office of the Civil Defense (OCD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at Department of Transportation (DOTr), katuwang ang Philippine Postal Corporation (PPC) at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders at iba pang logistic company na ilibre ang lahat ng rehistradong relief organization sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na tumutulong sa pagbiyahe ng mga emergency relief goods at donasyon.
Hindi na rin sila dapat singilin ng arrastre services, pilotage, at iba pang port charges.
Ang NDRRMC ang magbibigay seguridad at mangunguna sa traffic management ng relief operations.
Oras na maisabatas, kasama sa mga magpapatupad nito ang DOTr, sa pamamagitan ng Civil Aeronautics Board (CAB), Maritime Industry Authority (MARINA), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). | ulat ni Kathleen Forbes