Kinilala ni US Secretary of State Anthony Blinken ang mga ginagawang aksiyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para makaambag sa pagbawas ng greenhouse gas emissions ng 75 porsiyento pagdating ng 2030.
Sa ginawang signing ng Philippines-United States Agreement for Cooperation Concerning Peaceful Uses of Nuclear Energy o ang 123 Agreement, inihayag ni Blinken na kinikilala ng kanilang pamahalaan ang ganitong mga pagsisikap na naglalayon ding maitaas ang produksiyon ng clean energy.
Sa pamamagitan aniya ng mga kasunduan gaya ng 123 Agreement ay maisasakatuparan din ang target na manggaling ang 50 percent ng energy source mula sa renewable sources pagdating ng 2040.
Katunayan din ani Blinken, na ang nalagdaang 123 Agreement ay isang testamento na ang pagganap ng mga bagay sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos ay mataas na prayoridad para sa parehong bansa.
Ang “greenhouse gas emissions” ay tumutukoy sa mga gas sa atmosphere na nagdadala ng init mula sa araw patungo sa lupa at nagdudulot ng epekto sa pagsasalanta ng ozone layer. | ulat ni Alvin Baltazar