Tinatayang aabot sa higit 200 exhibitors ang kasalukuyang lumalahok sa Cashless Expo ngayong araw sa World Trade Center sa Pasay City.
Ilan sa mga lumahok ay mga exhibitors mula sa mga rehiyon at ilan sa mga kanilang ibinibenta ay mga local products na ipinagmamalaki ng kanilang lugar.
May lumahok din na mga nagtitinda ng gulay kung saan patok nga sa mga bisita ay ang “unli-gulay” kung saan sa halagang P200 o P500 lamang ay maaari mo nang mapuno ang bayong hanggang sa mapuno ito.
Narito rin ang iba’t ibang e-wallet platforms, banks, at online shopping websites para suportahan ang Cashless Expo 2023.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon nagsanib-pwersa ang mga ahensya ng pamahalaan para sa pagsusulong ng “cashless” o digital transaction sa bansa.
Layunin ng expo na hikayatin ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na gawing “cashless” o digital ang kanilang pamamaraan sa kanilang mga transaksyon at palawigin ang kanilang negosyo sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya.
At dahil Cashless Expo ito, tanging pagbabayad lamang gamit ang makabagong cashless method of QR code ang gagamitin sa lahat ng uri ng transaksyon.
Sa mga nais bumisita, bukas ang Cashless Expo 2023 hanggang bukas, araw ng Linggo simula ala-10 ng umaga hanggang ala-6 ng gabi.| ulat ni EJ Lazaro