Dumating na sa bansa ang dalawa pang bagong-biling Acero-class patrol vessel mula sa Israel, sakay ng general cargo ship Koga Royal nitong Sabado.
Ang dalawang Fast Attack Interdiction Craft (FAIC) ay kasalukuyang nasa Commodore East Posadas Wharf sa Cavite City para sumailalim sa enhancement, maintenance, at crew training.
Ito ay bago ikomisyon sa serbisyo bilang PG906 at PG907, na magiging bahagi ng Acero-class patrol vessels ng Littoral Combat Force ng Philippine Fleet.
Ang dalawang bagong-dating na barko ang ika-5 at ika-6 sa siyam na patrol vessel na kinontrata ng Philippine Navy sa Israel Shipyard, kasama ang technology transfer, sa ilalim ng FAIC Acquisition Project ng Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program Horizon 2.
Ang mga modernong “fast patrol combat vessel” ay napatunayang epektibong pangontra sa kasalukuyang mga banta at transnational crime, na nagpalakas sa Littoral/coastal defense capability ng Philippine Fleet. | ulat ni Leo Sarne