Hindi isinasara ng Department of Transportation (DOTr) ang linya ng komunikasyon nito para sa isang tapat na diyalogo sa mga grupong pangtransportasyon.
Ito’y kasunod na rin ng ikinasang tigil-pasada ng grupong PISTON na balak pang sundan ng grupong MANIBELA bilang pagtutol sa ipatutupad na deadline para sa franchise consolidation application na bahagi ng modernisasyon sa hanay ng transportasyon.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, patuloy silang gumagawa ng paraan upang maplantsa ng husto ang hangaring i-modernisa ang transportasyon sa bansa upang bigyan ng pagkakataon ang mas maraming operator at tsuper kung maaari.
Naniniwala ang kalihim na mareresolba ang mga usapin sa isang tapat na ugnayan lalo’t tinitiyak nila na walang maiiwan.
Sa katunayan, sinabi ni Bautista na nakikipag-ugnayan na siya kay PISTON President Mody Floranda para itama ang ilang maling paniniwala hinggil sa PUV Modernization gaya ng jeepney phaseout, mataas na presyo ng modern jeepneys, at sapilitang pagbili ng mga bagong yunit na nagkakahalaga ng ₱2-milyong piso bawat isa.
Marami na rin aniyang operator at tsuper ang nagbuo na ng kooperatiba at nakasunod sa programa kung saan, mahigit 5,000 ruta na may mahigit 135,000 prangkisa ang naaprubahan. | ulat ni Jaymark Dagala