Umaasa si General Santos City lone district Representative Loreto Acharon na tuluyan nang maisabatas ang panukala para magtayo ng evacuation centers sa buong bansa.
Kasunod ito ng pagtama ng 6.8 magnitude na lindol sa Southern Mindanao noong November 17.
Batay sa PHIVOLCS naitala ang Intensity 8 o lakas ng pagyanig sa General Santos City at Sarangani.
Sa kaniyang privilege speech, binigyang diin ni Acharon, na hindi tulad ng bagyo na maaaring lumikas at gawing evacuation centers ang eskuwelahan, kapag may lindol ay lantad aniya ito sa structural damage.
Batay sa pinagtibay na House Bill 7354 ng Kamara, magpapatayo ng typhoon at earthquake resilient na evacuation centers sa lahat ng 1,488 na munisipalidad at 146 na lungsod sa buong bansa.
Kasabay nito ay nagapaabot ng pasasalamat si Acharon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtiyak ng tulong sa mga apektadong lugar.
Gayundin sa maagap na pagresponde ng mga government agencies gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pati na sa pag-asikaso ng Office of the Speaker at Tingog Party-list sa paglalabas ng ₱20-million social at medical assistance at pagpapadala ng 5,000 relief goods.
Batay sa tala ng City government ng GenSan, nasa 1,730 na pamilya o 8,650 na indibidwal ang apektado ng lindol.
Ngunit hindi umano magdedeklara ng State of Calamity and lungsod. | ulat ni Kathleen Jean Forbes