Itinanggi ni Senador Sherwin Gatchalian na mayroon siyang koneksyon o naging tauhan niya ang isang grupo ng mga mambubudol na naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa isang pahayag, mariing kinondena ng senador ang kriminal na aktibidad ng mga suspek na kinilalang sina Ryan Lester Dino, alias David Luis Tan; Carlo Africa Maderazo; at tatlong iba pa.
Iginiit ni Gatchalian na hindi kailanman na-empleyo ang mga indibidwal na ito sa kanyang opisina, sa Commission on Appointments (CA) o kahit sa Senado.
Wala rin aniyang awtoridad ang mga ito na magsagawa ng negosyo sa ilalim ng kanyang pangalan.
Tiniyak ni Gatchalian na mapapanagot ang mga sindikatong ito sa buong pwersa ng batas.
Kasabay nito ay pinuri ng mambabatas ang NBI sa mabilis na paghuli sa mga suspek.
Nanawagan rin ang senador sa lahat ng mga nabiktma ng grupong ito na isiwalat at ireport ang kanilang mga ilegal na gawain para maiwasang makapambiktima silang muli ng iba pa nating mga kababayan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion