Iginiit ni Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na hindi sapat na batayan ang kaniyang hindi pag-uwi sa Pilipinas sa kabila ng kawalan ng travel authority para patawan siya ng suspensyon dahil sa disorderly behavior.
Sa pamamagitan ng legal counsel nito, isang liham ang ipinadala sa House Committee on Ethics and Privileges upang i-apela na mabawi ang kaniyang 60-day suspension.
Dito, muling iginiit ni Teves na ang dahilan ng kaniyang hindi pag-uwi ay dahil sa banta sa kaniyang buhay at seguridad.
Bagay na hindi naman aniya masasabing makakasira sa dignidad, integridad, at reputasyon ng institusyon.
Una naman nang nilinaw ni COOP NATCO Party-list Representative Felimon Espares, chair ng Ethics Committee, na hindi maaaring si Teves ang mismong umapela para bawiin ang suspensyon sa kaniya.
Batay kasi sa Rule 106 ng House Rules, anomang panukala, report o mosyon na inaprubahan, pinagtibay o natalo, ay maaaring i-apela ng isang miyembro ng Kapulungan na bumoto kasama ang mayorya, sa mismong araw o susunod na session day.
“When a measure, report or motion is approved, adopted or lost, a Member who voted with the majority may move for its reconsideration on the same or succeeding session day. Only one motion for reconsideration shall be allowed,” saad sa House Rules. | ulat ni Kathleen Jean Forbes