Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano na magkaroon ng malawakan at patas na talakayan sa committee level ng senado kasama ang Commission on Human Rights (CHR) tungkol sa mga isyu tulad ng abortion at anti-discrimination bill.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag matapos ang ilang ulit nang pagkakaroon ng mainit na talakayan sa plenaryo ng Senado kaugnay ng posisyon ng ilang CHR commissioner sa isyu ng abortion at SOGIE bill.
Matatandaang noong una ay pinagpaliban ang budget deliberation ng CHR hangga’t hindi makapaglabas ng opisyal na posisyon ang komisyon tungkol sa decriminalization ng abortion.
Habang kaninang madaling araw naman ay pinagsabihan muli ng mga senador ang CHR hinggil sa panawagan ng isa sa mga opisyal nito kay Senate Majority Leader Joel Villanueva kaugnay sa pagpapasa ng SOGIE Equality Bill.
Kugnay nito, sinabi ni Cayetano na kailangan pang magkaroon ng mas bukas na diskusyon sa panig ng pabor at tutol sa dalawang isyung ito.
Binahagi rin ng senador na pumayag na si Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Francis Tolentino na ituloy ang mga pag-uusap sa kanyang kumite.| ulat ni Nimfa Asuncion