Patuloy pa ring nadaragdagan ang aftertershocks kasunod ng tumamang magnitude 6.8 na lindol sa Davao Occidental noong November 17.
Ayon sa monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS-DOST), hanggang kaninang alas-8 ng umaga ay mayroon nang 120 aftershocks ang naitala.
Mula rito, 75 ang plotted earthquakes o natukoy ng tatlo o higit pang istasyon habang nasa anim naman ang may kalakasan at naramdaman ng mga residente.
Ang mga naitalang aftershock ay may lakas na mula magnitude 1.4 hanggang 4.9.
Una nang iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sumampa na sa halos 9,000 pamilya o 41,874 indibidwal ang naitala nang apektado ng naturang malakas na lindol sa Region 11 at 12. | ulat ni Merry Ann Bastasa