Hinikayat ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang mga mambabatas na delegado ng 31st Asia Pacific Parliamentary Forum (APPF) na gumawa ng mga batas na magbabalanse sa paglago ng ekonomiya at pagprotekta sa kalikasan.
Sa plenary session tungkol sa economic at trade matters, binigyang diin ni Legarda na sa gitna ng nangyayaring climate change ay dapat na pag-aralang mabuti ang magiging hakbang at polisiyang ipatutupad.
Sinabi ng senadora na ang APPF forum ay magandang platform para hubugin ang mga polisiya tungo sa greener, inclusive, at sustainable future.
Sa parehong plenary session, hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga delegado na palakasin ang kanilang mga hakbangin sa pagtataguyod at pamumuhunan sa human capital development sa rehiyon.
Pinunto ni Villanueva na sa kabila ng pinamalas na paglago ng Asia Pacific region nitong nakalipas na kalahating siglo ay malaki pa rin ang bilang ng mga indibidwal dito na lubhang mahirap, kung saan milyong katao ang pinagkakasya lang ang halagang mas mababa sa halagang US$2.15 kada araw.
At para maisakatuparan ang layuning maiangat sa kahirapan ang rehiyon ay pinanawagan ng senador kailangan nilang magtulungan para makabuo ng magkakatulad na legislative at policy framework.| ulat ni Nimfa Asuncion