Pinangunahan mismo ni Speaker Martin Romualdez ang paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Ilagan Isabela ngayong araw.
Tinatayang P500-milion halaga ng programa at cash assistance ang dala ng BPSF sa Isabela mula ngayong araw, November 25 hanggang 26.
Ang Isabela ang unang probinsya sa Region 2 at ika-walo sa buong bansa na pinuntahan ng pinakamalaking serbisyo fair ng Marcos Jr. administration.
Ayon kay Romualdez, ito ang pangako ng isang Bagong Pilipinas kung saan ang gobyerno na mismo ang lumalapit sa taumbayan.
“Ang administrasyon ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay handang tumulong sa lahat ng nangangarap at kumikilos para sa mas magandang buhay. Ito po ang pangako ng Bagong Pilipinas – isang nagkakaisang pamahalaan na hindi naghihintay. Bagkus ay kusang umaabot sa mamamayan upang matugunan ang inyong mga pangangailangan sa mas lalong madaling panahon,” sabi ni Speaker Romualdez.
Nasa 36 na government agencies ang dumalo sa BPSF Isabela na may dalang 195 na serbisyo at inaasahang makakabenepisyo ng 100,000 na residente.
Kasama rin dito ang province wide AICS payout para sa higit 42,000 na benepisyaryo.
Sinabi ni Speaker na batid nilang hindi madali lalo na para sa mga nakatira sa malalayong lugar, ang pumunta at makahingi ng tulong sa pamahalaan.
Kaya aniya sa Serbisyo Fair na ito, ang pamahalaan na ang lumalapit sa kanila.
“Sa Serbisyo Fair, nagsama-sama ang iba’t-ibang mga sangay ng pamahalaan upang maihatid at maipaabot nang mas mabilis ang mahahalagang impormasyon at serbisyo tungo sa ating sama-samang pag-unlad. Halos lahat ng inyong pangangailangan — sa kalusugan, kabuhayan, trabaho, pag-aaral — narito po ngayon sa Serbisyo Fair.” dagdag pa ng Speaker.
Isainabay din sa BPSF ang paglulunsad ng Cash Assistance and Rice Distribution Program o CARD.
Pinangunahan naman ni Ilagan City Mayor Jay Diaz ang programa kasama si Romualdez.
Aabot sa 3,000 benepisyaryo ang nakatanggap ng P1,000 na financial assistance at 25 kilo ng bigas.
Una nang inilunsad ang CARD sa Metro Manila, Biñan at Sta. Rosa sa Laguna, at Bukidnon.
“Dito po natin nakikita kung paano tayo puwedeng magtulungan para sama-samang harapin ang anumang hamon sa buhay. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at tiwala sa isa’t isa, at sa tulong na rin ng pamahalaan, magagawa nating malampasan ang anumang pagsubok.” | ulat ni Kathleen Jean Forbes