Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga kapwa niya mambabatas sa Asia Pacific Region na iprayoridad ang edukasyon sa kani-kanilang legislative agenda.
Ito ang naging mensahe ni Gatchalian bilang kinatawan ng Pilipinas sa plenary session ng 31st Asia-Pacific Parliamentary Forum (APPF) tungkol sa regional cooperation sa Asia Pacific Region.
Binigyang diin ni Gatchalian na sa pagprayoridad sa edukasyon sa legislative agenda ay mapapagtagumpayan nila ang isa sa mga layunin ng 2030 united nations sustainable development goals tungkol sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon sa lahat at pagbibigay ng patas na pagkakataon sa lahat na mapabuti ang kanilang buhay.
Isa ring pinakokonsidera ng senador sa mga member-parliaments ng APPF ang pagyamanin ang diplomasya sa edukasyon sa Asia-Pacific Region.
Iminumungkahi ng mambabatas ang pagsasagawa ng mga talakayan para makabuo ng mga kasunduan sa rehiyon at multilateral agreements tungkol sa educational at cultural exchanges.
Ipinapanukala rin ni Gatchalian ang pagtutulungan sa pagitan ng mga pamahalaan, academic communities at professional organizations sa pagitan ng mga member-countries kabilang na ang pagpapatupad ng reporma sa sistema ng edukasyon.
Gayundin ang pagkakaroon ng cross-border cooperation at pagbabahaginan ng best practices sa pagkakaroon ng resilient education system. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion