Kasama sa mga ibinida ng Pilipinas ang Maharlika Investment Fund sa mga dumalong delegado ng 31st Asia Pacific Parliamentary Forum.
Sa ambush interview kina Speaker Martin Romualdez at Senate President Migz Zubiri, sinabi ng dalawang mambabatas na kasama sa mga napag-usapan sa courtesy call sa kanila ng mga delegado ang ating kauna-unahang sovereign wealth fund.
Ani Romualdez, nakita naman ng mga delegado ang masiglang ekonomiya ng Pilipinas, na sinabayan pa ng maayos at magandang hosting ng bansa para sa pulong.
Nakita rin aniya ng mga delegado na buhay ang demokrasya at vibrant ang freedom of the press na isang senyales ng magandang investment center.
Kaya naman kumpiyansa si Romualdez na maganda ang hinaharap ng ating sovereign wealth fund.
“Sa sidelines po syempre binanggit din natin na meron tayong napasa na ngayon at batas na po na Maharlika Investment Corporation. Kaya syempre nakikita nila na maipagmamalaki itong napakagandang bansang Pilipinas, napakasigna ng ating ekonomiya. At nakikita nila yung ating demokrasya talagang vibrant, yung freedom of the press and expression ay nandito kaya nakikita po nila na mukhang maganda itong investment center at haven sa lahat ng sovereign wealth fund sa buong mundo so mukhang magandang kinabukasan ng ating sovereign wealth fund.” Ani Romualdez.
Dagdag pa ng House Speaker na marami sa mga dumalo ang nais muling bumalik sa Pilipinas.
Patotoo aniya ito sa laging sinasabi ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ‘the Filipino people are the best’
“Madaming gustong bumalik. Kung gusto mo bumalik ibig sabihin gusto mo yung nakikita mo at yung naranasan ninyo. Kaya tama talaga ang yung sinasabi namin ni presidente ‘the Filipino people are the best.’” Dagdag pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes