Nagpaabot ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development sa naulilang pamilya ng apat na bata na nasawi sa vehicular accident sa Porac, Pampanga noong Nob. 22.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, halagang P20,000 na tulong pinansyal ang ibinigay ng DSWD Field Office 3 sa pamilya bukod pa sa guarantee letter para sa lahat ng gastusin sa libing at burol ng mga nasawi.
Batay sa ulat ni Police Regional Office 3 Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., ang apat na bata ay sakay ng “kolong-kolong” na minamaneho ng kanilang ama na si Edmund Canlapan Escoto, at patungo sa bayan ng Porac nang bumangga ito sa pick-up truck .
Ang “kolong-kolong”, isang uri ng tricycle, ay pumasok sa kabilang lane dahil sa impact at muling nabangga ng kasalubong na dump truck.
Ang apat na bata na may edad 2, 6, 8 at 10 ay namatay on the spot habang ang kanilang ama ay sugatan.
Agad na inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian si Central Luzon Regional Director Venus Rebuldela na ibigay ang lahat ng posibleng tulong sa naulilang pamilya. | ulat ni Rey Ferrer