Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. na mabibigyan ng hustiya ang babaeng estudyanteng binaril sa loob ng school campus sa Tuguegarao City, Cagayan.
Ipinangako ito ni Abalos matapos personal na bisitahin si Althea Vivien Mendoza na naka-confine sa ospital.
Si Mendoza na isang third year Medical Technology student ng St. Paul University – Tuguegarao ay pinagtangkaan ng masama, binugbog bago pinagbabaril sa loob ng campus.
Suspect sa krimen ang kanyang binasted na manliligaw na si Kristian Rafael Ramos na kasalukuyan nang nakakulong.
Ipinarating din ni Abalos kay Althea at sa kanyang pamilya ang mensaheng ipinaabot ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kanyang agarang paggaling at pagtiyak sa kanyang kaligtasan at sa buong pamilya.
Samantala, inatasan na ni Abalos ang Philippine National Police na bigyan ng proteksyon at seguridad ang pamilya. | ulat ni Rey Ferrer