Naghahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa rollout ng proyektong ‘Pag-Abot sa Pasko’ sa darating na Disyembre.
Bahagi ito ng programang Oplan Pag-Abot ng ahensya na nagkakasa ng reach-out operations sa iba’t ibang lansangan para tulungan ang ‘individuals in street situations’.
Ngayong Martes, nagsagawa na si DSWD Undersecretary for Innovations Edu Punay ng coordination meeting kasama ang mga kinatawan mula sa Homeowners’ Associations (HOAs), barangays, at iba pang organisasyon sa Metro Manila.
Sa ilalim ng ‘Pag-Abot sa Pasko’, plano ng DSWD na magsagawa ng special at simultaneous reach-out ops sa Quezon City at mga lungsod ng Pasig, Mandaluyong, at San Juan sa buong buwan ng Disyembre.
Layon nitong matulungan ang vulnerable at at-risk families at individuals in street situations (FISS) ngayong kapaskuhan.
Una nang iniutos ni Sec. Gatchalian ang pagpapalawak sa mga reach-out operation habang papalapit ang holiday season kung saan kadalasang nagkalat ang mga namamalimos sa lansangan. | ulat ni Merry Ann Bastasa